hindi lahat ng nawawala ay naliligaw

‘Yan ang kailangan  mong matutunan. At kung paninisi sa mga tikbalang ang tanging nasumpungan, huminto. Ibaba ang hintuturong dumuduro, kagatin, maglakad palayo. Dahil anumang hiwaga ng baryo ay ‘di sasapat sa dahilan ng kawalan. ‘Wag mong ibunton sa mga lamanlupa’t alamat ang puwang sa ‘yong puso, Patawad, ngunit kailangan mong malaman na hindi obligado ang mundo na punuan ang kung anumang kulang sa ‘yo. Hindi pagbabaliktad ng damit ang sagot; ang babali sa kung anumang ilusyong nagpalayo sa kanya; ang iyong pangontra-kulam. Ang solusyon ay pagbabalik sa wisyo. Alalahanin ang mga pangaral ni Ina, iyong sinasamahan ng marahas na pagsabunot sa patilya at kapwa marahas na pagpingot. Ang dahilan ng madalas na pamumula ng punong tainga, waring hitik na hitik sa bunga, nahihinog sa pamamasa. Dalawa ang dahilan ng lahat ng ito: Una, dahil tamad ka raw maligo. Ikalawa, dahil hindi ka raw marunong maghanap. At palagay ko’y  ‘yan ang totoo. Mahina ang iyong panagap. Radar sa mga napaglingatan. Hindi malaman kung saan naiwan o nailagak. Hindi matandaan kung saan huling nahawakan, inibig, pinakawalan. At mawawalan ka nang ganang pumag-ibig.

Iba ang mga naiwala mo noon: Kabiyak ng tsinelas, hikaw, medyas. Kapareha ng sapatos at kung anumang kubyertos.

Iba ang mga tanong mo ngayon: Kailangan ba ng kabiyak para maging mahalaga? Kailangan ba ng kapareha para maging buo ka? Kailan ba tayo makamamaybay ng mag-isa?  Hindi natatakot tumahak ng landasing nagsasabing mag-iisa pa rin tayo. Kailangan ba ng ikalawa para magkaroon ng silbi?

At muli, matutulog kang may nawawala. Namumula ang magkapares mong tainga. Luluha ang magkapares na mata. Manginginig ang magkapares na kamay. Mamamatay ang walang kapares mong puso. Yuyukom ang mga palad, mahigpit na mahigpit, pipikit. Mananaginip at sa panaginip ay mahahanap mo na. Sana. Ngunit gigisingin ka ng multong lumbay. Dadalaw sa t’wing gusto, husto sa pagbisita ng walang pasabi. Bubuksan nito ang pinto. Hindi na ito bago, kababayan mo na ang kaba’t takot, magtatago ka sa lilim ng lungkot. Ngunit susubok pa rin. Susubok palaging hanapin ang kung ano o kung sino mang kabiyak nitong puso. Ang pupuno sa puwang. Patlang-patlang ang paghinga, hindi magtama ang tibok ng puso mo at ng nawawala. Ngunit palagi ngang tandaang hindi ito naliligaw. Pumanaw man ang nasa sa pag-apuhap, ito’y kailanman ‘di maliligaw. Tanging nawawala. At magwawala ka dahil naiinip. Sumisikip, bumibigat ang dibdib. Bumubuntong-hininga ng dismaya. Maaalalang “…teka, minsan nga pala akong naging masaya”. Ngunit sadyang dadating ang araw na mahihiraya kung anong kulang. At magmimistula kang baliw. Pero ang pagmamahal – ang pupuno sa puwang – ay laging isang oyaying ubod ng lambing, pinatatahan ang nababaliw. Pinatatahan ang nababaliw dahil umiibig.

At habang wala pa ito’y, iinom ka ng isang basong gin sa katapusan ng Disyembre  o isang araw bago ang a-kinse ng pumapag-ibig na Pebrero. Susubukan mo kung may mas lalamig pa rito. Kung may mas papait pa rito.

Uulit-ulitin mo:

Kailangan nga ba ng ikalawa para sumaya? Kailangan ba ng kasalo ngayong gabi sa pag-inom para lumigaya?

Saulo mo ang litanya ng iyong  Ina, sa t’wing ‘di mo mahanap ang mga nawawala:

“Ano? Wala ka bang mata? Inasa mo na lahat sa akin, ‘pag ‘yan nakita ko, nako! Inuuna mo kasi ang bibig. Engot ka ga, saan mo naipatong? Ay s’ya, tigilan mo na ang paghahanap at lalabas ‘yan ng kusa.”

Lalabas rin ‘yan ng kusa. Mapapahinto. Lulunukin ang kaba para ‘di pumiyok. Tama. Maaalang bigla nga palang sumusulpot ang mga kabiyak ng ano, ang mga kapareha ng alin kapag tuluyan ka nang tumigil. Kapag tuluyan ka nang sumuko. Nasa ibabaw ng tukador ang medyas, nasa alahasan ang hikaw, nasa ilalim ng sofa ang sapatos. At dahil ang nawawala ay ‘di parating naliligaw, magiging malinaw. Kalokohan ang pangaraping hanapin at tapusin ang ekspi-ekspidisyon. Ang mga nawawala sa ‘yo ay ‘di nakalimot sa daan. Hindi ito nakalimot sa uuwian. Maalimpungatan sa dusa’t himbing, magigising dahil ang iyong nawawala, ang kabiyak na pupuno sa patlang, ay ‘di naliligaw. Tanging natagalan lamang sa paglalakbay, kumakain pa, nagbabanyos ng sarili, naghahanda para sa ’yo. Naipit sa gilid ng sofa, sa ibabaw ng tukador, sa sulok ng aparador. Hindi nito kailangan ng saklolo. Matatagpuan nito ng kusa ang daan patungo sa ‘yo. Matagal man ang ipinagdusa, matagal man ang paghihintay ay dadating ito. Makakahanap ito ng tahanan sa ‘yo.

At gaya ng sabi nila, palaging tama ang ating mga Ina:

“’Wag mong hanapin at lilitaw.”

“’Wag mong hanapin at lilitaw.”

“’Wag mong hanapin at lilitaw.”

Hipan palayo ang ‘di kayang saklawin ng mga kamay. Matuto kang bumitaw.

Ikaw, ano pa ang kayang mong ipaubaya sa mundo?

Sana sagutin mo nang: “Ang lahat-lahat ko”.

*Isang spoken word piece na itinanghal sa Candlelight Cafe, ika-27 ng Pebrero para sa National Arts Month. Unang likhang tula sa anyong prose ng makata.

Advertisements

2 thoughts on “hindi lahat ng nawawala ay naliligaw

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s