Hindi Ganoong Kalinis ang Immaculada

at dahil hindi kinagisnan ng lumbay
ang ganitong layaw,
tinalikuran nito ang udyok ngumiti;
kinagat ang mga labi; pinilit ang ngumiwi
nais nitong suplingin ang kasukdulan
ng bagot at takot o
- sa ganitong pagkakataon -
ang sakramento ng unang pagsiping

mababaw ang hilik ng buwan,
maaari pang akitin

banal daw ang manatiling mapagtimpi;
sagrado ang magpigil kung nanggigigil;
sa t'wing kikislutin ng kati'y
magbanyos agad ng panalangin sa Immaculada

ngunit sadyang mahirap itago ang humaling;
mahirap kabigin ang mga labi
kapag nasimulan na ang apoy
(maaaring bunsod nang bagong almirol na abito
o ang kalis na hinagkan mo)

silahis daw ang banal na San Jose,
hindi tinablan ng alindog ng Birhen

at ang laway ay nagiging gaas,
pinagniningas ng husay; pinag-iibayo;
pinaaapoy ang birheng katawan
nang nagbi-birhen-birhenang pagnanasa

kukulo ang libidong hinango sa kulob
(nangangasim na't nagbabadyang maging paumbong)
at malilimutan nito ang taimtim na debosyon
sa Immaculada, sa Birheng Maria, sa sinumang
santang umaastang mapagpigil at matiisin

nakalimot si Padre Damaso sa sinumpaang lumbay,
hindi kinaya ang pangangati ng hayok n'yang laman

at handa na nitong isuko ang lahat-lahat:
ang katawan, sa unang pagkakataon
ang puso, sa 'di na mabilang na pagdiklap

hindi nito ipipikit ang mga mata;
kasalanan ang kumurap sa oras ng paghahandog;
kailangan nitong masilayan ang katapusan ng lahat;
sumugal kahit patungo sa higit na walang katiyakan

pati ang Bathala'y nanginig sa gayuma ni Maria Clara,
maagang kinuha nang makasiping at makasama

at kung anumang banta ng hapdi,
ay magmamaliw
pangontra-kaba'y katwirang mapaghilom ang pag-ibig

- magpapanggap na ito'y tunay na pag-ibig;
magpapanggap na ito'y 'di lamang pamatid-uhaw;
'di lamang pamatay-oras at kati;
'di lamang panubok sa tapang -

kaya habang kinakabayo ng sabik, nagkunwaring umiibig,
nagpaubaya ang taglay na lumbay sa udyok ngumiti

ngunit impit pa rin ang mga ungol
dahil dakilang kasalanan pa rin ang mag-ingay sa kama

maligalig  ang mga ulol na mestizo,
ama ng laksa-laksang panganay na bunga
ng mga birheng sansaglit pinuta

kapag tahimik na't wala ng langitngit,
tanging kuliglig ang ingay sa langit

at tapos nang tumirik ang dapat tumirik,
tatalikod itong muli,
dahil hindi nito kinasanayan ang ganitong layaw

magbabanyos ng sarili gamit ang tubig at dasal,
hihilurin ng luwalhati, Sumasampalataya at Ama Namin ang katawan
aasang sasama sa biyaheng poso-negro
ang lahat ng limahid ng paghahandog;
lahat nang maluridong pinagtampisawan

Santa Maria, Ina ng Diyos
patawarin ninyo po kaming makasalanan
ngayon at kung kami'y magagawi
ng kura sa parehong daan

at ang pirming lumbay ay babalik sa debosyon,
muling tatanganin ang rosaryo't ibubulong
ang misteryo,

na walang makakaalam,
walang makakaalam kundi ang Immaculadang napoot
(marahil, dahil sumalangit na birhen)

Padre, ang paghahandog ko ba ng sarili'y
katibayan ng pag-ibig?


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s