mapaglaboy ang mga segundong magtatamang-titig, kayo nang iniibig ito ang danas na ligalig ng kaba. may salamangka ang pandama sa oras; humahaba, humahaba, humahaba ang pagitan nang paghinga at pirming kasambuhay na ang makapos. mas nakakapanindig ang dagliang init, kaya pipihit ka palayo sa ningas, ang siklab nito'y kapahamakan at lubos kang bubot para masaktan. ngunit pamumukulan ka nang dayuhang tapang, pipiliting huwag matakot mapaso o kapusing muli, mangangahas nang ikalawang sulyap "'pag tumingin ka, akin ka" ang hain mong sugal. may salamangka ang pandama t'wing naghihintay; humahaba, humahaba, humahaba ngunit hindi na siya muli pang tumingin, hindi na.